SA TUWING MAY UNOS

Dibdib ay kakabakaba, puno ng alalahanin ang isip
Naghahanda ng gagawin sa bagsik na papalapit
Bawat gagawin sinisiguradong mahigpit
Upang pinsala ay maiwasan sa unos na malupit

Sa ganitong sitwasyon na may panganib
Kanino susuling, kanino mangungunyapit?
Kanino aasa upang makaalpas sa hagupit?
Kanino hihingi ng tulong, kanino nga ba kakapit?

Sa tuwing may unos, kalooban ay lakasan
Huwag manghihina sa anumang dahilan
Higit sa lahat na marapat lapitan
Ang Diyos natin na lubhang Makapangyarihan

Buong pusong paglapit sa Kaniya ay gawin
Maibsan ang lahat ng ating alalahanin
Palakasin ang ating loob, balisa ay alisin
Tiwala ay ilagak sa lahat Niyang magagawa sa atin

-fidelsvbenedictoII

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *