Sa Kanila Ka Magpahalaga

Doon ka bumawi, sa taong tumulong,
Noong ang mundo mo’y di sumusulong;
Sa oras ng hirap, sila’y nariyan,
Sa pag-unawa, sila’y walang hanggan!


Noong walang-wala ka, sila ang nagbigay,
Ng pag-asa’t lakas, upang di ka maligaw;
Hindi sila naghintay ng anumang kapalit,
Sila’y nanatili, tapat at malapit!


Ngayon, sa tagumpay, dumami ang kaibigan,
Ngunit tandaan mo, huwag palilinlang;
Hindi lahat ng nakangiti, tunay na karamay,
Ang ilan ay nandyan lang sa magaan mong buhay!


Balikan mo silang sa hirap nakasama,
Sa kanila mo ibuhos biyayang natamasa;
Sa gawa’t salita, ipakita ang pasasalamat,
Sa taong nanatili… noong mundo mo ay wasak!


Sa dulo ng tagumpay, ito’y tandaan:
Ang tunay na mahalaga, ang nagtiwala sa kawalan;
Sa kanila mo ialay ang iyong pagmamahal,
Dahil sa kanila, ang hirap mo’y gumaan!

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *