Sa Aking Paglisan!

Kung mangyari ito, tuluyang manghina
Hindi makatulog sa sakit na dama,
Ay gawin mo na ang dapat isagawa,
Dahil ang pag asa tuluyang nawala!

Kalungkutan mong aking nakikita,
Huwag babayaan at manghawak ka pa.
Dahil araw na ‘to ay higit sa iba,
Ang pagmamahal mo ay nasubok ko na.

Lumipas sa atin masasayang taon.
Ano pang darating takot ay ibaon.
Sa ‘king paghihirap hindi ka man ayon,
Pagsapit ng oras …bayaang yumaon.

Dito sa tabi ko lagi mong alaga,
Hanggang sa wakas manatili pa sana.
Hawakang mahigpit at magsalita ka
Hanggang ipikit ko aking mga mata.

Sa tamang panahon iyong makikita
Mga kabutihang ginagawa mo pa;
Sa huling sandali na ika’y ay kasama
Ang sakit at hirap ay mawawala na.

Huwag ka nang malungkot sa aking paglisan
Kahit alam ko mang ika’y masasaktan;
Pakiusap ko lang bago kita iwan,
Luha ng puso mo, huwag nang pigilan.

Marl Ben
Dubai
11Jan2017

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *