May isang paru-parong minsa’y nangarap
Maghanap ng bango sa ibang bulaklak
Maliit man ang pakpak nagsikap lumipad
Sa lupang banyaga, doon napadpad.
Sa unang harding kanyang dinapuan
Hindi makapaniwala sa kanyang namasdan
Sari saring bulaklak iba’t ibang kulay
Namumukad sa kapaligiran.
Bagama’t nabigla, oras di sinayang
Mayuming bulaklak kanyang nilapitan
Sinimsim ang bango ng nektar na taglay
Nais ipadala sa tahanang iniwan.
Sa bawat pagod na kanyang dinanas
Sa kanyang sarili laging binibigkas
“Ang lahat ng ito para sa mga anak”
Ang kanilang alaala, pampawi ng hirap”.
“Sana pag uwi ko sila ay payapa,
Malayo sa sakit, masasayang lubha
Mabubuting asal hindi mawawala
Tangi kong pamana sa aking pagtanda.”
Matuling lumipas ang maraming buwan
Taong nagdaan di na namalayan
Hirap ng trabaho, subsob ang katawan
Supling na iniwan laging nasa isipan.
Dumating ang araw, kanyang hinihintay
Makakauwi na s’ya sa kanyang tahanan
Pagod ang isipan, mata ma’y malamlam
Bakas ang ligaya tuwa’y umaapaw.
Kanyang ikinampay ang pagal na pakpak
Nagpilit lumipad, kahit naghihirap
Kasamaang palad tuluyang bumagsak
Hindi na nakaya, naubos ang lakas.
Nguni’t bago pa tuluyang mawalay
Mga alaala sa kanyang isipan,
Dalangin sa Diyos ang kanyang nausal:
“Ang mga anak ko .. sa Inyo iiwan!”
by Marl Ben
Dubai-UAE
27July2012